-- Advertisements --

Inanunsyo ng Princeton University na kanila nang aalisin ang pangalan ni dating US President Woodrow Wilson sa isa sa mga gusali sa kanilang campus bunsod ng mga paniniwala nito tungkol sa racism.

Ang nasabing hakbang ay kasunod pa rin ng laksa-laksang mga protesta sa Estados Unidos na nag-ugat sa pagkamatay ng Black American na si George Floyd.

Woodrow Wilson 1
Former US President Woodrow Wilson

Si Wilson ay naging pangulo ng Amerika mula 1913 hanggang 1921 at tumulong sa pagtatatag ng League of Nations.

Ngunit sinuportahan nito ang segragation at ipinatupad pa ito sa ilang mga federal agencies.

Pinagbawalan din nito ang mga Black na estudyante sa Princeton nang umupo ito bilang university president, at mistulang suportado rin ang Ku Klux Klan.

Ayon kay university president Christopher Eisgruber, napagpasyahan ng board of trustees na hindi na raw karapat-dapat pang ipangalan kay Wilson ang School of Public and International Affairs at ang residential college ng pamantasan dahil sa kanyang mga racist views at polisiya.

“Wilson’s racism was significant and consequential even by the standards of his own time,” saad ni Eisgruber sa isang pahayag.

Nakatakda namang palitan ng Princeton School of Public and International Affairs ang pangalan ng paaralan.

“Princeton is part of an America that has too often disregarded, ignored, or excused racism, allowing the persistence of systems that discriminate against black people,” dagdag nito. (AP/ BBC)