ROXAS CITY – Ikinabahala ng pamunuan ng Panit-an National High School sa Panitan, Capiz ang natanggap na death threat ng mismong principal at ilang guro ng paaralan dahil umano sa pagsingil ng monetary contribution sa magulang ng mga estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas sa school principal na si Ronilo Tu, may iniabot umanong sulat sa kaniya si Jeffry Dorde ng Barangay Intampilan ng naturang bayan.
Ngunit laking gulat nito nang mabasa na naglalaman ito ng mga katagang pagbabanta sa kaniya at ilang mga guro.
Nakasaad sa sulat na kapag hindi umano ibinalik ng paaralan ang ipinaambag na pera sa mga magulang ay hihiwain ang tiyan ng principal at bibitayin ang ulo nito kasama ang mga guro.
Dahil naalarma ay kaagad itong ipinarekord ni Tu at laking gulat nito nang makitang may pagkakahawig ang penmanship ni Dorde sa nakasulat na death threat.
Dahil dito ay tumawag sa pulisya si Dorde at kaagad naman inamin ni Dorde na siya ang nagsulat ng naturang death threat.
Nilinaw naman ni Dorde na ang itinutukoy na bayarin sa nasabing sulat ay ang pinagkasunduan mismo ng mga magulang sa isinagawang Parent-Teacher Association (PTA) meeting na kanilang gagamitin sa pagpapatayo ng waiting shed.