BACOLOD CITY – Namayapa na ang prinsipal ng Negros Occidental High School na si Mario Amaca alas 4:00 kahapon ng hapon sa Riverside Medical Center dahil sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Negros Occidental Provincial Administrator Atty. Rayfrando Diaz, nakatanggap ito ng impormasyon kagabi na namatay si Amaca sa ospital.
Ayon kay Diaz, noong Setyembre 15, tumawag pa sa kanya ang principal at humingi ng tulong upang ito ay makakuha ng lugar sa Cadiz District Hospital matapos nahawaan ng COVID-19.
Aniya, huli silang nag-usap noong Setyembre 17 kung saan inilipat si Amaca sa Riverside Medical Center, isang pribadong ospital sa Bacolod.
Hindi na ulit tumawag ang prinsipal sa kanya kaya inakala nito na mabuti na ang kanyang kalagayan ngunit nitong Linggo lamang niya nalaman na nasa ospital pa rin si Amaca at malala ang sitwasyon.
May isinagawa ring mga fundraising online ang pamilya ni Amaca upang makalikop ng tulong para sa gastusin sa ospital.
Ayon kay Diaz, kahapon, magpapadala pa sana ito ng gamot para sa prinsipal ngunit nabigla na lamang siya nang malamang ito ay pumanaw na.
Ayon sa provincial administrator, aktibo si Amaca sa provincial school board at madami pa sana silang mga plano at proyekto na gagawin.
Nagpapasalamat ito sa kanyang serbisyo sa sektor ng edukasyon sa mga kabataan.
Si Amaca ang nagsilbing prinsipal ng NOHS mula noong taong 2009.