Handa umano si Stanley Pringle na isuot muli ang national tricolors para sa papalapit na 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre.
Tugon ito ni Pringle matapos maisama ang kanyang pangalan sa 24-man pool ng Gilas Pilipinas na isinumite ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).
Bagama’t maaari pang mabago ang nasabing listahan, posibleng tiyak na ang magiging puwesto rito ni Pringle dahil sa mas maluwag na patakaran sa SEA Games kumpara sa FIBA.
“When it comes to the national team, anytime they need me to come, and hopefully, I’m healthy enough, I’m there. SEA Games, anything,” wika ni Pringle.
Maalalang hindi kasama ang Fil-American guard sa mga Pinoy na sumabak sa FIBA World Cup dahil isang naturalized player lamang ang pinapayagan sa kada isang koponan.
Maituturing kasing naturalized player si Pringle sapagkat nakakuha na ito ng passport matapos ang edad na 16-anyos.