-- Advertisements --

Pangungunahan ng mga PBA players na sina Christian Standhardinger at Stanley Pringle ang 24-man pool ng Gilas Pilipinas na na sasabak sa 30th Southeast Asian Games.

Sa isinumiteng mga pangalan ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), maliban sa mga professional ay tampok din sa line-up ang mga amateur players.

Bagama’t hindi pinangalanan lahat ni Panlilio, kasama raw sa listahan sina Thirdy Ravena at Isaac Go ng Ateneo de Manila University.

“It is a way for us to develop other players,” wika ni Panlilio. “If you see the mix of the players, may mga amateurs.”

Gayunman, sinabi ni special assistant to the SBP president Ryan Gregorio, maari pa raw itong mabago dahil sa pagbibitiw ni Yeng Guiao bilang head coach ng Gilas.

“As we speak right now, my assessment is we are going to start from scratch and revisit and come up with a new [list],” ani Gregorio.

Paglalahad pa ni Gregorio, si SBP chairman emeritus Manny V. Pangilinan daw ang nagtulak na paghaluin ang mga PBA at college players sa koponan para sa SEA Games.

“We want to have some youth movement also so we want to have some collegiate players and get the necessary experience. Kailangan rin may veteran leadership that we can get from the PBA,” anang opisyal.

Maaari lamang makapaglaro bilang mga naturalized players sa FIBA tournaments sina Pringle at Standhardinger, ngunit sa mga multisport events kamukha ng SEA Games ay puwede silang lumahok bilang mga local.