VIGAN CITY – Nag-aalala ang isang political analyst sa nabubuong super majority sa Kongreso pagkatapos ng May 13 midterm elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Univesity of the Philippines- National College of Public Administration and Governance dean Dr. Maria Fe Mendoza, na posibleng mawala na umano ang prinsipyo ng ‘checks and balances’ sa tatlong sangay ng gobiyerno dahil sa super majority sa Kongreso na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Mendoza, posibleng mahirapan umano ang oposisyon na gawin ang trabaho nila bilang “neutralizer†dahil masyadong malakas umano ang puwersa na kailangan nilang kalabanin kapag mayroon silang panukalang batas na hindi sinasang-ayonan na isinusulong ng kabilang panig.
Ang prinsipyo ng checks and balances ay ang proseso kung saan may karapatan ang isang sangay ng gobiyerno na tingnan kung tama at naayon ba sa mga existing laws ng bansa ang ginagawa ng isa pang sangay ng gobyerno dahil ang mga ito ay co-equal branches ng gobiyerno.
Sa kabila nito, inaasahan naman ng nasabing political analyst na alam ng mga mambabatas ang kanilang mandato bilang pinili ng mga botante na magtaguyod ng mga batas na para sa kapakanan ng nakararaming Pilipino.