-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Department of Education (DepEd) na tinatayang nasa 60 hanggang 80% nang kumpleto ang paglilimbag ng mga self-learning modules na gagamitin ng mga estudyante sa unang quarter ng nalalapit na school year.

Tugon ito ng DepEd matapos ireklamo ng ilang mga teachers group ang ulat ng mga guro na wala pa raw ang mga modules na gagamitin nila sa pagtuturo sa pasukan.

Ayon kay DepEd Usec. Revsee Escobedo, handa na raw para sa distribusyon ang mga modules sa pagsisimula ng school year sa Agosto 24.

“As reported by our 17 regional directors, most of them are now 60 [to] 80 percent complete in terms of the production of the modules for the first quarter requirement,” wika ni Escobedo.

Ang modular learning ay isa sa mga alternative modalities na maaaring gamitin ng mga estudyanteng walang kakayanan para sa online classes.

Sinabi naman ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio, in-upload na raw ang mga modules sa online learning platform ng ahensya na DepEd Commons para ma-access ng lahat.

Hindi naman isinasantabi ni San Antonio ang posibilidad na may ilang mga guro pa ang hindi nakikita ang mga modules mula sa DepEd Central Office.

Samantala, inamin ng kagawaran na may epekto ang pagbabalik sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan sa modified enhanced community quarantine sa kanilang preparasyon para sa pasukan.

Ngunit iginiit ni DepEd Sec. Leonor Briones na tuloy pa rin ang klase sa mga lugar na hindi matatapos ang reproduction ng mga modules bago ang petsa ng pagbubukas ng klase.

“Mag-start ang classes, but hindi deretso kaagad sa learning modules,” ani Briones.

Inihayag ni San Antonio, maaring gumamit ng “locally-developed SLMs” ang mga paaralan at division offices.

“Textbooks, mapped with MELCs (most essential learning competencies), when used with activity sheets and weekly learning plans, can be sufficient substitutes for SLMs,” saad ni San Antonio.