-- Advertisements --

Welcome sa Malacañang ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa mga tanggapan ng pamahalaang uunahin sa iimbestigahan nito laban sa korupsyon.

Magugunitang inianunsyo ng DOJ na sisimulan nito ang imbestigasyon sa hanay ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), Land Registration Authority at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, buo ang suporta ng Malacañang sa desisyong ito ng DOJ lalo’t malawakan at systematic ang korupsyon sa mga nabanggit na tanggapan.

Ayon kay Sec. Roque, nagagalak sila dahil ang mga ito ang naunang pinili ng DOJ lalo na ang mga ahensyang ito ang pinaka-notoryus pagdating sa korupsyon.

“Fully supported po natin iyan. Siguro naman ang rason ay obvious. Traditionally talagang malawakan at systemic ang korapsiyon sa mga ahensiyang ito at nagagalak naman kami na pinili ni Secretary Menard Guevarra itong pinaka-notorious sa korapsiyon para simulan ang imbestigasyon ng expanded task force on corruption,” ani Sec. Roque.