Inihanay sa ginanap na Legislative Executive Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacanang ngayong araw ang mga panukalang batas na prioridad na ipatupad ng administrasyong Marcos.
Kabilang sa mga tinalakay sa LEDAC meeting maliban sa mga lehislasyon na isusulong ng administrasyon ay ang pamantayan para sa common legislative agenda o cla at ang mga kinakailangang pagbabago sa COVID 19 Vaccination Program Act.
Ilan pa sa mga priority legislation na isinusulong ng ehekutibo ay ang Budget Modernization Bill, Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) at Unified System of Separation, Retirement and Pension.
Ang mga economic bills naman na kasama sa priority legislation ng palasyo ay ang E-governance Act, National Land Use Act, Tax Package 3 o Valuation Reform Bill, Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act at Internet Transaction Act o E-Commerce Law.
Ang LEDAC ay nilikha sa pamamagitan ng Republic Act 7640 noong December 9, 1992 para magsilbing consultative at advisory body sa presidente ng bansa, bilang siyang pinuno ng National Economic and Development Agency para sa mga kailangang payo sa mga programa ang patakaran ng pamahalaan at para sa layunin ng national economy.
Sa ilalim ng batas, ang LEDAC ay kinakailangang magpulong ng kahit isang pagkakataon kada quarter, subalit maaari itong ipatawag ng pangulo sa pamamagitan ng special meetings kung kinakailangan.