-- Advertisements --

Inamin ni Priscilla Meirelles sa isang panayam kay Karen Davila noong Abril 10, 2025 na hiwalay na sila ng aktor na si John Estrada, at tuluyan na niyang isinara ang pintuan sa posibilidad ng kanilang pagbabalikan.

Ayon kay Priscilla, siya mismo ang umalis sa kanilang bahay kasama ang anak nilang si Anechka. Bagamat kasal pa rin sila sa batas, matagal na umano silang hindi nagsasama bilang mag-asawa.

Ipinahayag din niya na ilang ulit sinubukang makipagbalikan ni John, ngunit hindi na siya interesadong balikan ito.

Dagdag pa ng dating Brazilian beauty queen, matagal na siyang nagtiis sa mga problemang paulit-ulit sa kanilang pagsasama. Tinawag niyang “good provider” si John at pinuri bilang mabuting ama, ngunit iginiit niyang hindi siya minahal sa paraang nararapat sa kanya.

Matapang na sinabi rin ni Priscilla na nasa moving on stage na siya at naka-focus ngayon sa kanyang sarili, anak, at career.

Wala raw siyang pinagsisisihan sa kanilang naging pagsasama, ngunit malinaw ang kanyang desisyon na “The book is closed.”