CAGAYAN DE ORO CITY – Pinanindigan ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maglalabas ng pondo upang gamitin sa pagpatayo ng mga business establishments sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ito’y matapos sinabi ni Duterte na hindi nito sasagutin ang gagastusin ng building reconstruction ng mga negosyanteng Maranao dahil alam niya na mayroon itong sapat na pondo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni TFBM Chairman Secretary Eduardo del Rosario na tuloy-tuloy ang pagpapatayo ng mga bahay ng internally displaced persons (IDPs) alinsunod sa kautusan ni Duterte.
Pinawi rin ni Del Rosario ang pangamba ng ilang malalaking pamilyang Maranao na muli uusbong ang armadong pakikibaka katulad ng ginawa ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute kung hindi mareresolba ang kahirapan sa Marawi City.
Inihayag ng kalihim na kahit nakaranas ng ilang pagkaantala ang program of works ng gobyerno sa most affected area ng 24 barangay, matatapos pa rin daw nito ang trabaho pagdating sa nakatakdang taon.
Kung maaalala, ginamit ng mga kritiko na mga kandidato sa 2019 midterm elections ang isyu sa Marawi City upang ipahiya ang mga ipangako ni Duterte sa IDPs na hindi pa nakabalik sa kanilang mga tahanan, halos dalawang taon na ang nakalipas.