Pinag-aaralan na raw ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na bigyan ng insentibo ang mga pribadong ospital na makikipag-tulungan sa referral ng kanilang mild at asymptomatic COVID-19 cases sa mga quarantine facilities.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, katuwang ng kanilang tanggapan ang iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagre-review ng naturang plano.
Ang inisyatibong ito ay bahagi raw nang inilunsad na “One Hospital Command” strategy para sa mga ospital sa Metro Manila, na nakakaranas ng congestion o pagkapuno sa mga pasilidad ng COVID-19 cases.
“There are other things that we are working on with other agencies so that we can further incentives our private hospitals para mas gawin nila yung expansion for COVID patients.”
“Noong nag-ikot sila Sec. Duque and Sec. Galvez during these past days, nakita naman nila na private hospitals are complying. Nagbubukas ng mga units para maka-accommodate sila ng mas maraming pasyente ngayong dumadami ang pasyenteng pumupunta sa ospital.”
Ilan sa ikinokonsidera ng DOH na incentive para sa private hospitals ay ang tax deduction at mas mabilis na reimbursements sa PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation).
“Ngayon alam natin ang PhilHealth ay may tinatawag na IRM (Interim Reimbursement Mechanism) kung saan maaga nang binibigay yung reimburesment bago pa man ma-admit ang pasyente. So prepared kumbaga ang kanilang bayad,” ayon sa Health department.