Hindi naitago ng ilang private hospitals ang kanilang pangamba na baka hindi mabayaran ng Philhealth dahil sa zero subsidy budget nito para sa 2025.
Ayon kay Dr. Jose Rene Degrano, president ng Private Hospitals Association Philippines, hindi maiaalis sa kanilang mga kasamahan na mangamba lalo’t dati nang nade-delay ang bayad ng government health insurer, kahit noong may malaking pondo pa ito.
Para kay Degrano, hindi naman nila magawang mapwersa ang naturang ahensya dahil may mga proseso rin naman ang gobyerno sa release ng mga bayarin.
Ang alalahanin lang umano ay kung tuluyang mauubos ang kasalukuyang pondong pambayad, bago pa sila makakulekta.
Maaari umano itong magresulta sa pagsasara ng ilang maliliit na ospital, dahil obligado rin naman silang magbigay ng sahod sa mga tauhan, maliban pa sa operational expenses sa kanilang mga pasilidad.