KORONADAL CITY – Umapela si Atty. Nena Santos, private lawyer ng Maguindanao massacre victims sa Department of Justice at iba pang ahensiya ng gobyerno na tulungan silang madaliin ang pagresolba ng kaso kasabay ng ika-13 taong anibersaryo ng karumal-dumal na krimen ngayong araw.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Santos, sinabi nito na mula sa simula kasama na siya ng mga kaanak ng mga biktima sa pakikipaglaban upang ma-convict ang mga prime suspects sa masaker lalo na ang pamilya Ampatuan.
Sa katunayan, kagaya ng mga kaanak ng mga biktima ay napakaraming pananakot na rin ang kanyang natanggap upang bitawan ang kaso.
Kaya’t hanggang sa ngayon ay patuloy niyang sinusuportahan ang mga pamilya at sa katunayan naisampa na nila ang apela sa kaso lalo na sa civil aspect.
Dagdag pa nito, ipinapaunawa niya rin sa kanyang mga kliyente na may “due process” ang Justice system sa bansa kaya’t kailangan din nilang maghintay.
Sa ngayon umaasa siya at ang mga pamilya ng 58 biktima na mahuli na ang mga at-large pa na suspek at magiging paborable sa mga biktima ang resulta ng kanilang isinampang apela.
Sa ganitong paraan umano masasabing makukuha na ng mga biktima ang “full justice” na matagal na nilang inaasam.