Kinumpirma ng Calamba Police na mayroong private plane na bumagsak sa isang resort partikular sa Purok 6 Miramonte Subdivision, Barangay Pansol, pasado alas-3:00 ng hapon ngayong araw ng Linggo.
Ayon kay Eleazar Mata, direktor ng Laguna Provincial Police, dalawang katao na ang isinugod sa ospital.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Civil Aviation Authority, nawalan ang Manila Control Tower ng radar contact sa medical evacuation center plane sa nasabing lugar.
Nabatid na pabalik na sana sa Manila ang eroplano na mula sa Dipolog City nang mangyari ang insidente.
Sa kuwento ng ilang mga nakakita, bigla na lamang nakitaan ng usok ang naturang eroplano habang nasa bahagi ng Mt. Makiling bago tuluyang bumagsak sa Agojo private resort.
Sa ngayon ay dumating na sa crash site ang mga tauhan ng Calamba-Regional Mobile Force Battalion at iba pang unit para sa search and rescue operation.
Samantala, sinabi ni Calamba City Public Affairs Officer Jeff Rodriguez na isa sa mga naospital ay ang 20-anyos na caretaker na nagtamo ng first degree burn sa mukha.