Wala pang mga pribadong paaralan ang nakitaan ng Department of Education (DepEd) na hihirit na magtaas ng matrikula ngayong taon.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, sa ngayon ay wala pang natatanggap ang kagawaran na kahilingan mula sa mga private school para sa tuition fee hike.
Aniya, posibleng pinag-aaralan pa muna ng maigi ng mga pribadong paaralan ang pagtaas ng singil sa matrikula lalo na’t marami sa mga mag-aaral nito ay lumipat sa mga pampublikong paaralan dahil sa mataas na tuition fee lalo na noong nagsimulang tumama ang pandemya sa bansa.
Binigyang-diin naman ni DepEd Usec. Annalyn Sevilla na hindi pwedeng basta-basta na lang magtaas ng singil sa matrikula ang mga ito dahil kinakailangan muna itong sumailalim sa konsultasyon ng Parents Teachers Association (PTA).
Kaugnay niyan ay mas pinalawig pa ng ahensya ang deadline para sa konsultasyon hanggang Hunyo 30, habang ang pagsusumite naman ng mga request for tuition fee hike ay hanggang Agosto 15.