Posible umanong mas maging maaga pa ang petsa ng pagbubukas ng klase sa mga pribadong paaralan sa buong bansa sakaling pahintulutan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ng gobyerno.
Paglilinaw ni Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, saklaw sa Agosto 24 na pagsisimula ng klase ang mga pampubliko at pribadong paaralan.
Pero kung nais ng mga private schools na magbukas na ng kanilang mga online classes sa Hunyo, maaari raw itong gawin basta’t may kumpas mula sa IATF.
Dapat din aniyang tiyakin ng mga private schools na tatalima sila sa ipinapatupad na panuntunan ng Department of Health (DOH), partikular ang pagbabawal sa face-to-face interaction.
Sa ngayon ay isinasapinal na ng DepEd ang Learning Continuity Plan (LCP) kung saan idedetalye ang mga pagbabago sa polisiya na kailangan para siguruhing hindi maaapektuhan ang sektor ng edukasyon sa gitna ng coronavirus crisis.
“We have repeatedly consulted and collaborated with our partner institutions and organizations in crafting the LCP, which includes key features on K-12 curriculum adjustments, alignment of learning materials, various modalities of delivery, and corresponding teacher and parent or guardian training for homeschooling,” saad ng DepEd sa isang pahayag.
“Our policies will also be continuously guided by science and by the advice of our health experts,” dagdag nito.
Sa oras na matapos ang Learning Continuity Plan ay agad itong ipipresinta ng kagawaran sa IATF para maaprubahan.