CAGAYAN DE ORO CITY – Nag-ambagan ang mga pulis ng Police Regional Office 10 upang makapagbigay tulong sa mga biktima ng Bagyong Kristine sa Bicol Region.
Sinabi ni PRO 10 Director Brig Gen Jaysen de Guzman na inisyal na kalahating milyong piso ng relief goods ang nalikom nila mula sa kanilang mga pulis upang makapagpaabot tulong para sa mga biktima ng kalamidad sa nabanggit na lugar.
Ayon sa heneral na idadaan nila ang kanilang inisyal na tulong sa Police Regional Office 5 para maipaabot ang pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng bagyo.
Paliwanag ni De Guzman na plano sana nila na pera ang ipapadala subalit napag-desisyon na diretsong relief goods na lang ang bibilhin para magamit agad ng mga biktima.
Kasalukuyang nagbiyahe na patungo sa bisinidad ng Bicol ang humanitarian mission contingent ng PRO 10 para sa nasabing layunin.
Magugunitang noong nakaraang linggo, nagpadala rin ang Office the Civil Defense 10 ng tatlong contigents para tulungan ang kanilang counterpart sa Bicol na seryosong nahaharap sa malaking danyos ng bagyo.