CAGAYAN DE ORO CITY – Pinawalig pa ng Police Regional Office 10 ang bangis ng kanilang kampanya kontra illegal activities kabilang na ang talamak na smuggling operations sa bahagi ng Northern Mindanao region.
Kaugnay ito sa kautusan ni PNP Chief General Rommel Marbil na tulungan masawata ng Bureau of Customs ang smuggling activities katulad na lang pagpuslit ng mga produktong sigarilyo na halos kada-linggo ay mayroong maharang ang lower units ng ahensiya na mga kontrabando.
Tinukoy ni PRO 10 spokesperson Major Joann Navarro ang nakompiska ng Lanao del Norte Police Provincial Office na kahun-kahon na suspected smuggled cigarettes mula sa bayan ng Kapatagan at Sultan Naga Dimaporo ng Lanao del Norte.
Sinabi ni Navarro na sa magkahiwalay na operasyon ng kanilang lower units ay tinatayang higit P13 milyon ang nabawi habang isa suspected transport carrier ang naaresto.
Agad kinunan ng proper documentations ang mga kontrabando at tuluyang itinu-turnover sa sub-port ng Bureau of Customs na nakabase sa Iligan City.
Nasa Customs na ang susunod na hakbang kung sinu-sino ang mga personalidad na maaring sampahan ng mga kaso patungkol sa nalabag na batas.
Magugunitang ang inilabas ni Marbil ang nationwide anti-smuggling campaign ng PNP ay tinatayang halos P40 milyon na rin na halaga ng mga sigarilyo ang nakompiska ng PRO 10 mula Enero hanggang kasalukuyang Setyembre 2024.