-- Advertisements --

Inanusyo ni Police Regional Office (PRO) 11 Director, B/Gen. Nicolas Torre III na nananatili pa rin sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Barangay Buhangin sa Davao City si Pastor Apollo Quiboloy.

Sinabi ni Torre na malaking hamon sa kanila ang paghahanap at pag-aresto kay Quibuloy dahil sa laki ng area ng pinagtataguan nito.

Nabatid na nasa 30 ektarya ang pag-aaring compound ng KOJC.

Mayroon din umano ritong iba’t-ibang istraktura na umaabot sa halos 50.

Kung susukatin ang dome pa lamang ay may halos apat na ulit ng Araneta Colosseum ang lapad.

Lahat aniya ng indicator na nasa loob ng KOJC si Quiboloy ay positibo base sa mga nakalap nilang impormasyon.

Nahihirapan lamang umano silang pasukin ito dahil sa pagharang ng mga miyembro ng samahang pinamumunuan nito.

Inamin ni Torre na may strategy na sila sa paghahain ng warrant laban kay Quibuloy pero iniiwasan nilang may masaktan at mauwi ito sa karahasan.