DAVAO CITY – Limang persons of interest ang kasalukuyang tinitingnan ng pulisya, hinggil sa kasong rape-murder ng 28-anyos na arkitekto na si Vlanche Marie Bragas, na matatandaang natagpuan ang bangkay sa isang sagingan noong Mayo 18.
Kinumpirma ito ni Lt. Col. Atty.Eudisan Gultiano, ang tagapagsalita ng Police Regional Office 11 (PRO-XI) sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Davao.
Aniya, patuloy pa rin ang back-tracking sa mga nakalap na CCTV footage sa lugar kung saan sumakay sa bao-bao ang naturang biktima.
Umapela din ang opisyal sa isang pasahero, na nahagip ng CCTV na sumakay sa nasabing bao-bao bandang alas-10:35 ng gabi, Mayo 16 at bumaba sa “Driving Area” sa Calinan kung saan sinundo ng drayber si Arch. Bragas.
Hiniling ng opisyal sa naturang pasahero na makipatulungan sa mga otoridad sa pag-asa na ito ay isang susi o lead na maaaring magtuturo sa mga suspek.
Dagdag ni Col. Gultiano na sa nakunan na kopya ng CCTV footage ay hindi malinaw ang mukha ng driver ng yellow ombak dahil pina-enhance pa nila ito.
Ayon sa imbestigasyon, pangunahing layunin ng suspek na patayin ang biktima, dahil narekober ng mga pulis ang mga kagamitan ni Bragas.
Sa kabilang banda, nag-alok na ng isang milyong pabuya si 1st District Congressman Paulo “Pulong” Duterte para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa driver ng nasabing bao-bao.
Samantala, lubos din ang pasasalamat ng Police Regional Office-XI sa alok ni Pulong na isang milyon bilang pabuya, para sa layuning mapabilis ang kaso upang agad na makamit ng pamilya ng biktima ang hustisya.