-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nananatiling nak-alerto ang mga police units ng Police Regional Office Region 13 (PRO-13_ matapos mapatay si George Madlos alyas Ka Oris para sa posibleng retaliatory attacks na gagawin ng mga rebelde.

Ito ang inihayag ni Police Major Dorothy Tumulak, tagapagsalita ng PRO-13, kasabay nang palilinaw na naka-heightened na ang kanilang mga puwersa bago pa man napatay sa engkwentro sa Impasug-ong, Bukidnon ang rebel leader.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Major Tumulak na utos ngayon ni Regional Director Brig. Gen. Jose Caramat Jr., na dadagdagan pa ng kanilang mga police units ang kanilang security plan pati ang ilang intelligence monitoring at security checkpoint upang kaagad na maharang ang mga masasamang plano ng makakaliwang grupo.

Maliban dito, mayroon pa rin naman umano kanilang target hardening measures at hindi rin nagkulang ang PRO-13 sa mga warnings upang magawa na ng pulisya ang kanilang dapat gawin.

Dagdag pa ni Major Tumulak, malaking kawalan sa New People’s Army-Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang pagkamatay ni Ka Oris dahil sa malaki nitong impluwensiya bilang kanilang lider lalo na dito sa Caraga Region.

Dahil sa pagkamatay ni Ka Oris, positibo ang hanay ng pulisya na marami pa itong mga kasamahang susuko.