CAUAYAN CITY- Nanawagan ang Police Regional Office 2 o PRO 2 sa publiko na maging patas sa pagpapalabas ng mga video ng mga pulis na nagbabaklas ng mga oversized campaign materials.
Ito ay matapos na dumagsa ang mga reklamo may kaugnayan sa isinagawang pagbabaklas ng mga oversized tarpaulin at iba pang election materials na nakalagay sa mga private property.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Effren Fernandez, Spokesman Police Regional Office 2 sinabi niya na bumuo ng task force ang COMELEC at isa ang PNP sa kanilang katuwang o operational arms sa pagbabaklas ng mga Illegal Campaign Materials.
Sa ngayon ay pinag-aaralan ng kanilang tanggapan ang kinasangkutan ng mga pulis sa Lunsod ng Santiago na pagbabaklas ng mga oversize campaign materials na pinapangunahan ng mga opisyal COMELEC.
Ayon kay PLt. Col. Fernandez, malinaw na hindi kumpleto ang video kung saan makikita lamang pagbabaklas ng tarpaulin sa mismong harap ng headquarters ng isang Presidential Candidate.
Naging viral din ang ginawang pagbura at pagpintura sa isang mural painting sa Echague, Isabela ng isang presidential candidate at vice presidential candidate.
Inihayag ni PLt. Col. Fernandez na sa kabila na sinabi ni COMELEC Spokesman James Jimenes na bagamat hindi maitututring na Campaign Materials ang mga Murals at paintings ay binigyan naman umano ng pahintulot ng mismong may-ari ng pader na nilagyan ng mural ang pagtatakip nito.
Nanindigan naman ang PRO2 na ipapatupad pa rin nila ang mga standard directives na nakasaad sa resolusyong ipinalalabas ng COMELEC.
Tiniyak niya na anumang aktibidad ng PNP ay alinsunod sa performance of regular duty ng isang kasapi ng pulisya at naaayon sa batas .
Ang mga nakumpiskang illegal campaign Materials ay mananatili sa pag-iingat ng PNP bago maipasakamay sa korte para sa pagsasampa ng reklamo.
Nanawagan ang PRO2 sa publiko na maging patas sa pagpapalabas ng mga video sa social media at ilahad ang buong pangyayari.