-- Advertisements --

Ipinag-utos na ni Police Regional Office 3, regional director, PBGen. Jose Hidalgo Jr, ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa chief of police ng San Miguel, Bulacan kagabi na si PLt. Col. Marlon Serna matapos maka-engkwentro ang mga armadong suspek.

Nais ni Hidalgo na maresolba ang kaso sa lalong madaling panahon ng sa gayon mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng police official.

Nagbigay din ng P300,000.00 pabuya si PBGen. Hidaldo para duon sa mga makapagbibigay ng impormasyon na magresulta sa pagkakahuli ng mga suspek.

Inihayag din ng Heneral na dinagdagan ni DILG Secretary Benhur Abalos ng P500,000.00; P200,000.00 mula sa PNP at P200,000.00 naman mula kay Gov. Daniel Fernando.

Batay sa inisyal na imbestigasyon bandang alas-9:30 ng gabi kagabi ng makatanggap ng impormasyon ang San Miguel police station kaugnay sa nangyaring robbery incident sa Brgy San Juan, San Miguel, Bulacan.

Kaagad na rumisponde ang mga tauhan ng San Miguel sa pangunguna ni PLt.Col. Serna.

Sa isinagawang follow-up at hot pursuit operations namataan ng mga pulis ang dalawang suspek sakay sa isang motorsiklo at agad pinaputukan ang mga pulis kung saan tinamaan si LtCol. Serna sa ulo.

Agad namang naisugod sa Emmanuel Hospital ang opisyal subalit pumanaw ito habang ginagamot.

Siniguro naman ni Hidalgo na gagawin ng mga otoridad ang lahat para mahuli ang mga suspek at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng police colonel.

“This is unfortunate news for us as one of our members was killed in line with our diligent efforts to arrest lawless elements and while nothing can make up for his loss, along with our deepest condolences, we assure his bereaved family that they will get the necessary benefits that is due for them,” pahayag ni PBGen. Hidalgo.