CEBU PROVINCE – Malalimang imbestigasyon ang isasagawa ngayon ng Regional Mobile Force Battalion o RMFB 7 kasama ang Sibonga Police Station, sa pagkamatay ng isang pulis sa loob mismo ng male barracks sa training center ng RMFB sa Barangay Bahay, Sibonga, Cebu.
Inihayag ni PRO 7 Regional Director Police Brigadier General Roderick Augustus Alba na kailangan ang seryoso at malalimang imbestigasyon sa insidente.
Aniya, kailangan ang agarang resulta sa isasagawang imbestigasyon.
Sa ngayon ay hindi pa diumano sila makapagbigay ng impormasyon sa rason at sirkumstansya sa pagkamatay ng nasabing pulis.
Una rito, isang Patrolman Edgardo Pilariz Silva, 32 taong gulang, ang nakitang wala ng buhay na hawak ang kanyang ‘issued firearm’ at may gunshot wound sa kanyang ulo.
Base sa mga kasamahan nito, nakita pa diumano nila si Silva na may kausap sa kanyang cellphone bago nangyari ang insidente at bigla na lang silang nakarinig ng isang putok ng armas.