-- Advertisements --

Nananawagan ngayon si Police Regional Office-7 Director Police Brigadier General Roderick Augustus Alba sa kanyang 11,450 na tauhan sa rehiyon na panatilihing malusog ang pangangatawan at isipan.

Ginawa ni Alba ang pahayag kasunod ng pagkamatay ng dalawang pulis.

Una ay noong Nobyembre 2, kung saan si Patrolman Edgardo Silva, 32 anyos, ay natagpuang wala nang buhay habang nakapatong sa dibdib nito ang service firearm sa loob mismo ng kampo ng Regional Mobile Force Battalion-7 sa bayan ng Sibonga.

Noong Nobyembre 5 naman namatay si Police Staff Sergeant Brando Marana, 41 anyos, matapos itong himatayin sa labas ng Regional Training Center sa bayan ng Consolacion Cebu.

Base pa sa pagsusuri ng physician, namatay si Marana dahil inatake sa puso.

Sa panig naman ni Police Colonel Arniel Agustin Catarata, sinabi nitong hinihintay pa nila ang resulta ng autopsy ni Silva at hindi pa masasabi sa ngayon kung ano talaga ang dahilan ng pagkamatay ng pulis.

Gayunpaman, bago ang insidente ay nakitaan nang may mga personal na problema ang pulis base sa kanilang inisyal na imbestigasyon.