CEBU – Kinakailangang magsumite ng performance report ang lahat ng mga hepe ng pulisya sa Central Visayas upang makober ang 92 araw mula nang maupo si Brigadier General Roderick Augustus Alba bilang direktor ng Police Regional Office Central Visayas (PRO 7) noong Oktubre 13, 2022.//
Aniya, makakatanggap ng parangal ang mga may matataas na accomplishments at muling susuriin ang mga may mahinang resulta sa kanilang operasyon o hindi nakapasa sa ibinigay na pamantayan ng accomplishment ng PRO 7 placement board.
Nais ni Alba na ipagpatuloy ang anti-criminality campaign na inilunsad niya noong siya ay maupo noong Oktubre.
Aniya, layunin nito na bawasan ang dami ng krimen, tugunan ang problema sa iligal na droga at alisin sa rehiyon ang mga criminal elements.
Sa pagtatapos ng 92-araw na hamon, inutusan ni Alba ang lahat ng mga kumander ng istasyon, kabilang ang mga direktor ng lungsod at probinsiya, na makipagkita sa kanilang mga lokal na punong ehekutibo at iulat ang kanilang mga nagawa sa tatawaging The State of Peace and Order Address.
Aniya, mahalagang malaman ng komunidad kung ano ang ginagawa ng kanilang pulisya para labanan ang krimen.
Sinabi ni Cebu City Police Office (CCPO) Director Colonel Ireneo Dalogdog,mag-uudyok sa kanila ang nasabing hamon upang magsumikap para makamit ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Ang CCPO ay kasalukuyang namumuno sa anti-criminality program ng Philippine National Police sa Central Visayas na sinusundan ng Cebu Police Provincial Office.
Mula Nobyembre 14 hanggang 20, nagsagawa ang CCPO ng 53 anti-illegal drugs operations, naaresto ang 64 na drug personalities at nasamsam ang halos kalahating kilo ng shabu na may karaniwang presyo ng droga na P3,190,220.