Ipinangako ngayon ni Police Regional Office-7 Director PBGen Jerry Bearis ang mga hakbang sa pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa isasagawa bukas, Enero 22 na 50th Sinulog sa Carmen.
Ipinag-utos na nito sa Cebu Police Provincial Office na paigtingin ang seguridad sa pagdiriwang upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng mga deboto at dadalo.
Kaugnay nito, idedeploy ang nasa hindi bababa sa 700 tauhan ng CCPO.
Ngayong gabi pa lang ay magkakaroon na sila ng inisyal na deployment sa grandstand at plaza ng bayan.
Nauna nang inanunsyo na aabot sa 22 contingents ang maglalaban-laban para sa local category at open category.
Inaasahan namang nasa 100,000 hanggang 150,000 manonood ang dadalo sa aktibidad.
Samantala, tiniyak ni Bearis sa publiko ang isang ‘highly disciplined’ police force sa rehiyon.
Sinabi rin nito na patuloy silang nakatuon sa kanilang kampanya sa internal cleansing laban sa mga naligaw sa landas na miyembro ng organisasyon.
Dagdag pa ng opisyal ng pulisya na patuloy silang magtulungan at magsumikap tungo sa muling pagbabalik ng imahe ng pulisya.
Tiniyak rin nito na mananatili silang mahigpit sa kampanya laban sa kriminalidad at pagpupursige nang walang pag-aalinlangan laban sa mga sangkot sa ilegal na droga at lahat ng iba pang uri ng krimen.