Binigyang-diin ng Police Regional Office-7 na isolated incident lamang ang nangyaring pawnshop heist nitong lungsod ng Cebu at walang dapat ikaalarma ang publiko.
Inihayag ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare na kontrolado na umano ang sitwasyon at sa katunayan ay malapit nang makumpleto dahil masampahan na rin ng kaso ang mga nahuling mga suspek.
Sinabi pa ni Pelare na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa ngayong sa Police Regional Office-9 at 10 at sa ibang bahagi ng Mindanao dahil ang modus umano na ginamit ng mga suspek dito ay katulad ng nakaraang heist partikular sa Cagayan de Oro.
Ginawa pa umano ang krimen ng pinaghalong mga lokal players at import at tinutukoy na ng pulisya ang mga personalidad na nagtungo dito na ginamit para magnakaw.
Sa usapin naman kung may dating pulis bang sangkot, sinabi nitong hindi nila binabalewala ang posibilidad ngunit hindi pa pinal dahil patuloy pa aniya ang kanilang imbestigasyon.
Dagdag dito, makikita sa galaw ng mga suspek na pinagplanuhan talaga ang krimen at metikuloso ang mga galaw at sa katunayan, ibinunyag ng isa sa mga suspek na siya ang naatasang magsagawa ng ruta ng pagtakas.
Muli namang iginiit naman ni Pelare na nananatiling safe and secured ang Central Visayas.