-- Advertisements --

CEBU CITY – Pinabulaanan ng Police Regional Office 7 ang pahayag ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves na may pinaboran ang pulisya sa pagsagawa ng imbestigasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare, ang tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG) Degamo, sinabi nito na isa lamang ispekulasyon ang pahayag ng kongresista.

Aniya, isang polisiya ng Philippine National Police na kailangan nila ang madaliang imbestigasyon sa kahit anumang krimen na mangyayari base na rin sa mga nakalap na ebidensya.

Nilinaw ni Pelare na ang mabilis na pag-aresto sa mga suspek sa pagpatay kay Governor Degamo at walong iba pa ay ang mabilis rin na reaksyon ng PNP at Armed Forces of the Philippines kaya madaling na disorient ang mga ito sa isinagawang mga road blocking.

Gayunpaman, siniguro nito na kanilang ibe-beripika ang mga impormasyon na inihayag ni Congressman Teves at kanilang susuriin ang background ng mga sinasabi ng kongresista.

Una rito, sa isang video, inihayag ni Congressman Teves na marami ng patayan ang nangyari sa Negros Oriental ngunit wala namang kahit isang suspek ang naaresto.

Kahit ang pinsan diumano nito na binaril ay hanggang ngayon hindi pa nairesolba at hindi pa rin hanggang ngayon nahuli ang gumawa ng nasabing krimen.