Pinaigting pa ng Police Regional Office-7 ang kanilang monitoring at surveillance operations laban sa mga Philippine offshore gaming operators (POGO) hub kasunod ng pagsalakay sa isang hotel sa Lapu-Lapu City noong Sabado na humantong sa pagsagip sa 162 dayuhan.
Inihayag ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt. Col Gerard Ace Pelare, inatasan na nila ang lahat ng chief of police sa buong lalawigan ng Cebu na palakasin ang kanilang pagbabantay laban sa mga posibleng POGO sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan.
Ibinunyag pa ni Pelare na mayroon silang tinitingnang mga establisyimento maging ang mga eksklusibong subdivision na posibleng ginamit sa pagsagawa ng aktibidad may kaugnayan sa Philippine offshore gaming operators (POGO) dahil walang basta-bastang makakalapit.
Matatandaan na pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isinagawang raid alinsunod sa kahilingan ng Indonesian embassy na iligtas ang kanilang kababayan na hindi umano pinayagang umalis sa lugar sa iligal na POGO hub.
Nauna na ring kinumpirma ni PAOCC spokesperson Winston Casio na 100% ilegal na POGO ang nag-ooperate sa isang hotel sa Lapu-lapu na sinalakay dahil na rin sa natagpuang tatlong scam farm sa tatlong gusali, kabilang ang mga computer at iba pang kagamitan.
Sinabi pa ni Casio na lahat ng nasagip na indibidwal ay mahaharap sa mga kaso dahil sa paglabag sa immigration laws.