Tiniyak ngayon ng Police Regional Office-7 na mas paiigtingin pa nila ang pagsugpo sa mga criminal gangs at private armed groups na maaaring pakilusin sa panahon ng halalan.
Inihayag ni PRO-7 Regional Director PBGen Redrico Maranan na sa ngayon ay isang pribadong armadong grupo lamang ang kanilang natukoy at ito ay ang The Teves Group.
Sinabi pa ni Maranan na sa rehiyon ay mayroong 16 na “election areas of concern” ang kasalukuyang binabantayan kung saan 14 sa Negros Oriental at 2 sa Bohol.
Bilang tugon, magde-deploy pa aniya sila ng karagdagang 200 police personnel sa Negros Oriental.
Binanggit din nito na personal niyang pangasiwaan ang mga lugar na ito sa mga susunod na araw upang matiyak na maayos na nababantayan ang mga natukoy na hotspots.
Bagama’t walang natukoy na areas of concern sa Cebu, ibinahagi nito na ang bawat tanggapan ng pulisya sa probinsiya ay bumuo ng sariling security plan na naaayon sa kanilang lugar ng nasasakupan.
Dagdag pa, nagbalangkas din sila ng pitong pangunahing security concern upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad kabilang ang kaligtasan ng lahat ng opisyal at kawani ng Commission on Elections, mga halal na opisyal ng gobyerno, kandidato, canvassing areas, lugar ng botohan, treasurer’s office, at iba pang mga imprastraktura na may kinalaman sa halalan.
Tiwala naman ito na mapapanatili nila ang kapayapaan at kaayusan sa isang partikular na lugar sa tulong ng mga local government units.