-- Advertisements --

Umaasa ang Games and Amusements Board (GAB) na susunod na ring papayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik ng training sa professional boxing at iba pang mga contact sports.

Ayon kay GAB chairman Baham Mirta, nasa proseso na raw sila ng pagbalangkas ng protocols para sa pagsasanay at maging laban ng mga pro boxers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Sana ang mga isports gaya ng boxing and other contact sports ay umani din ng katulad na pagpayag sa IATF,” wika ni Mitra.

Pinag-iisipan din aniya nila ang pagsama sa PCR testing sa mga players at closed-door fights sa mga general health protocols para sa muling pagbabalik ng professional boxing.

“Sa kasalukuyan ay may mga inaayos pa na protocols sa pagsasagawa nito gaya ng PCR testing at ng zero audience pansamantala kung kinakailangan upang makaiwas sa pagkalat ng COVID-19, basta makita lang natin na umuusad at muling nabubuhay ang kalagayan ng propesyunal na laro sa ating bansa,” ani Mitra.

Nitong Biyernes nang pahintulutan na ng IATF ang pagbabalik ng practice sa professional basketball at football.