Itinanggi ng pro-charter change group na People’s Initiative for Reform Modernization and Action (Pirma) ang mga alegasyon ng pagbili ng mga lagda na kinakalap umano para sa pag-reporma ng konstitusyon.
Ayon kay Pirma National Convenor Noel Oñate, walang katotohanan na namimigay sila ng P100 kapalit ng paglagda sa kanilang petisyon na nananawagan sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.
Aniya, kailangang makakalap ng mahigit 8 milllion mga lagda na katumbas ng 12% ng rehistradong botante sa bansa para pagtibayin ang Charter change petition ng grupo.
Kailangan aniya ang naturang threshold sa ilalim ng Republic Act 6735 o The initiative for Referendum Act para ipanukala ang pagreporma sa 1987 Consitution sa pamamagitan ng people’s initiative.
Kung susumahin, nagkakahalaga ng P800 million ang pagbibigay ng P100 sa bawat lagda sa mahigit 8 million Pilipino.
Tinwag din ni Oñate na ridiculous o katawa-tawa lamang ang alegasyon ng panunuhol at ipinaliwanag na nakuha ng grupong Pirma ang pondo nito mula sa mga kontribusyon ng kanilang volunteers.
Binigyang diin din nito na ang Pirma ay isang pribadong grupo at pinbulaanan din na kinakasangkapan nila ang cash aid ng gobyerno kapalit ng mga lagda.
Nag-ugat ang paglilinaw na ito ng grupo mula sa mga alegasyon sa nagpapatuloy umanong signature campaign ng grupo para sa pag-amyenda sa konstitusyon gamit ang pera at nangako ng subsidiya ng pamahalaan para makumbinsi ang mga tao na lumagda sa petisyon.
Subalit ayon kay Oñate sinimulan nila ang naturang kampaniya 3 araw na ang nakakalipas at nakikita aniya nila ang positibong tugon ng mga Pilipino na nag-aasam ng pagbabago.