Nagsimula na ang pagdinig sa mga kaso ng pro-democracy at newspaper founder na si Jimmy Lai sa Hongkong.
Nahaharap siya sa tatlong kaso partikular na ang ‘di umano’y pakikipagtulungan ng peryodista sa foreign forces, paglabag sa National Security Law ng kanilang bansa, at sedition charges.
Taong 2020 ay nakulong na si Lai dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa mga naganap na protesta sa Hongkong. Sa kasunod nitong taon ay ipinasara ang diyaryong pagmamay-ari niya na Apple Daily.
Taong 2019 nang magsimula ang malalaking protesta sa Hongkong at simula noon ay marami ng democracy activists ang ikinulong at umalis sa naturang bansa.
Isa ring British citizen si Lai kaya naman humingi ng tulong ang kanyang anak na si Sebastian Lai kay Britain’s Foreign Minister David Cameron. Para kay Cameroon, ang ginagawa ng gobyerno ng Hongkong ay isang malinaw na pagtatangkang pigilin si Lai na gamitin ang karapatan nito sa freedom of expression and association.
Nagpahayag naman ng suporta ang US State Department kay Lai. Ang panawagan nito sa Hongkong ay dapat agarang palayain ang mga taong ikinulong kahit na aniya’y pino-protektahan lamang nila ang kanilang mga karapatan.
Kinondena naman ito ng China dahil malinaw daw na anti-China si Lai at pasimuno ng mga pagprotesta sa Hongkong. Ayon kay Chinese foreign ministry spokesperson Mao Ning, lantaran umanong nakipagtulungan si Lai sa external forces at binalewala raw nito ang national security law.
Para naman kay Amnesty International’s deputy regional director for China Sarah Brooks, ito ay pag-atake sa malayang pamamahayag at wala aniyang dapat nakukulong sa pagsasagawa nito.
Sinegundahan naman ito ng Committee to Protect Journalists kung saan tinawag nila itong “a travesty of justice.” Para sa kanila, ang press freedom at rule of law ang nakasalalay sa kasong ito.
Sakaling mahatulang guilty, habang-buhay nang makukulong ang 76-year old na si Lai.
(Photo courtesy of Kin Cheung/AP)