Dumalo sa pagdinig ng Tri-Comm ng House of Representatives kahapon Biyernes ang ilang pro-Duterte vloggers at influencers matapos hindi pagbigyan ng Korte Suprema ang kanilang hiniling na temporary restraining order (TRO) na pipigil sa imbestigasyon kaugnay ng pagkalat ng mga pekeng balita online.
Kabilang sa mga dumalo sina dating Presidential Communication Office Sec. Trixie Cruz-Angeles, Krizette Laureta Chu, Ahmed Paglinawan, Elizabeth Joie Cruz, Ethel Pineda Garcia, Mark Anthony Lopez, Mary Jane Quiambao Reyes, Marc Louie Gamboa, at Richard Tesoro Mata.
Maliban kina Paglinawan at Gamboa, naglabas ng subpoena ang joint panel laban sa anim pang vloggers at influencers.
Nauna nang tumangging humarap sa Tri-Comm ang mga vlogger at iginiit na nilalabag ng imbestigasyon ng Kamara ang kanilang karapatan sa malayang pagpapahayag.
Sa kanilang petisyon sa SC, kanilang sinabi na labag sa Konstitusyon at hindi kaparatan ang congressional inquiry dahil tila pinupuntirya lamang sila sa kanilang pagsuporta kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ikinatwiran ng mga vlogger na walang malinaw na layuning pang-lehislatura ang imbestigasyon ng Kamara at ginagamit lamang ito upang takutin ang mga kritiko ng ilang mambabatas.
Nagbabala ang mga mambabatas na ang sinumang patuloy na susuway sa subpoena ng Tri-Comm ay maaaring maharap sa contempt charges at posibleng pagkakakulong.
Nauna nang sinabi ng komite na pananagutin ang mga testigong hindi tutugon, alinsunod sa mga patakaran ng Kongreso.
Sa pagdinig, binigyang-diin ng mga mambabatas na isinasagawa ang imbestigasyon “in aid of legislation” upang suriin kung paano naaapektuhan ng disimpormasyon ang pananaw ng publiko, sa eleksyon, at pambansang seguridad.
Binigyang-diin ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, isa sa mga pinuno ng Tri-Comm, ang kahalagahan ng pagtukoy kung nagamit ba ang pondo ng gobyerno sa pagpopondo ng mga organisadong disinformation campaigns.
Partikular na iniimbestigahan ng joint committee ang umano’y papel ng mga political influencers sa paghubog ng opinyon ng publiko gamit ang mapanlinlang o pekeng impormasyon.
Ipinagtanggol nina Cruz-Angeles at Chu ang kanilang content, iginiit nilang saklaw ito ng kalayaan sa pagpapahayag.
Ganito rin ang sinabi nina Lopez at Mata, na ang kanilang mga platform ay para sa pampulitikang talakayan, at hindi para sa pagpapalaganap ng fake news.
Nagpahayag ng pag-aalala ang mga mambabatas sa pagmamanipula ng online content upang malinlang ang publiko.
Natukoy ng komite ang ilang binagong larawan at video na maling nagpapakita ng malawakang protesta para sa pagbabalik ni Duterte—mga pahayag na pinasinungalingan ng independent fact-checkers.
Bnigyang-diin ng mga mambabatas na habang mahalaga ang kalayaan sa pagpapahayag, dapat ring may pananagutan ang sinumang sadyang nagpapalaganap ng maling impormasyon.