Hinuli ng New York police ang mahigit 100 na nag-protesta bilang suporta sa Palestine sa gitna ng nararanasan nitong humanitarian crisis dahil sa giyera kontra Israel.
Naganap ang protesta sa loob ng Columbia University matapos magtayo doon ang mga estudyante ng tent na naging dahilan para humingi ng tulong ang mga opisyal ng unibersidad sa mga kapulisan dahil nilalabag na umano ng mga estudyante ang ilang university policies kabilang na ang paggambala ng mga ito sa klase sa loob ng unibersidad.
Kabilang sa mga inaresto ang anak ni US Congressman Ilhan Omar kung saan binanatan nito ang pangulo ng unibersidad na tina-target umano nito ang mga pro-palestinian protesters.
Ang 108 na katao ay sinampahan ng trespassing habang dalawa naman ang sinampahan ng obstructing government administration.
Ayon kay New York Mayor Eric Adams, may karapatan ang mga estudyante sa free speech ngunit wala aniya itong karapatan na suwayin ang university policies at maging dahilan ng pagkagambala ng mga klase.
Simula Miyerkules pa nagpo-protesta sa loob ng campus ang mga estudyante para tutulan ang military action ng Israel sa Gaza at ipanawagan sa mga opisyal ng unibersidad na i-divest ang mga kumpanyang kumikita umano sa Israel forces.
Naging mapayapa naman daw ang isinagawang pag-aresto sa mga estudyante ayon kay Police Commissioner Edward Caban.
Samantala, sa isang pahayag ay nanawagan ang coalition ng mga raliyista na bigyan ng full amnesty ang mga estudyante.