KALIBO, Aklan—Mahigpit na ipinagbabawal ng Police Regional Office (PRO)-VI sa mga miyembro ng kapulisan ang pagsugal o pagpunta sa mga cockpit arena at ang pagsangla sa kanilang mga service firearms.
Ayon kay Police Superintendent Joem Malong, tagapagsalita ng PRO-VI na ipinagbabawal ang pagprenda o pagbenta sa mga kagamitan na pinagmamay-arian ng pamahalaan.
Ang mga mahuhuli aniya ay maaring maharap sa kasong kriminal at mapaalis sa serbisyo.
Aminado naman si Malong na mayroon silang ilan na nahuling pulis na nagsasangla ng kanilang firearms.
Dagdag pa nito na may isinasagawa umano silang inspeksyon sa lahat ng tanggapan ng pulisya sa rehiyon upang malaman kung ang mga armas na inisyu ng pamahalaan ay hawak ng bawat pulis.
Napag-alaman na ang bawat tauhan ng PRO-VI ay binigyan ng isang Glock 17 Generation 4 pistol para sa kanilang short firearms.