BACOLOD CITY – Tumanggi rin ang Police Regional Office (PRO)-6 na magbigay ng komento tungkol sa lumalabas na report na kasama ang dating deputy city director for operations ng Bacolod City Police Office na si Police Lt. Col. Jovie Espenido sa drug list ni Presidente Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng report ng Rappler na may dalawang police generals na nakakita ng listahan kung saan nandoon ang pangalan ni Espenieo aa drug list.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PRO-VI director Police Brigadier General Rene Pamuspusan, iginiit nito na wala siyang kakayahan at otoridad upang magkumpirma o mag-discuss tungkol sa isyu dahil wala siyang nalalaman sa nilalaman ng listahan.
Ayon kay Pamuspusan, maghihintay sila ng formal pronouncement ng national headquarters tungkol sa akusasyon.
Dagdag pa ng regional director, maghihintay din siya ng instruction kung ano ang gagawin ng regional office sakaling mayroong personnel ng PRO-VI na masama sa drugs watchlist.
Nabatid na kabuuang 357 na pulis nationwide ang sinasabing sangkot sa illegal drugs ang ipinatawag sa Campo Crame noong Biyernes dahil inumpisahan na nitong Lunes ang adjudication at validation tungkol sa kanilang involvement sa illegal drug trade.
Si Espenido ang nirelieve sa BCPO noong Pebrero 5 at ipinatawag sa Campo Crame ngunit walang ibinigay na dahilan ang national headquarters sa relief order nito.