Pangungunahan ng Anti-cybercrime group ng Police Regional Office sa Central Visayas (PRO-7) ang pagpapatupad ng ordinansa laban sa pagpapakalat ng pekeng balita sa lalawigan ng Cebu partikular ang tungkol sa 2019 novel coronavirus .
Ayon pa kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia, sa isang press conference, na makikipagtulungan sa pulisya ang probinsiya ng Cebu sa paghahabol sa mga indibidwal na lumikha ng panic sa publiko sa pamamagitan ng “hindi responsableng” mga post sa social media.
Bago ito, naaprubahan ng Cebu Provincial Board noong Lunes, Pebrero 10 ang 1st, 2nd, at 3rd reading ang ordinansa ni Board Member Kerrie Keane Shimura na nag-adopt sa Executive Order # 5 at 5-A ng gobernador patungkol sa mga protocol sa quarantine at mga panukala laban sa 2019-nCoV.
Base sa provincial ordinance, pagmumultahin ng P5,000 at hanggang isang taong pagkakakulong ang mga nagkakalat ng mga maling impormasyon.
Pinaalalahanan naman ni Garcia ang publiko na subaybayan lang ang mga lehitimong pag-update sa sitwasyon sa 2019-nCoV upang hindi mabiktima ng maling impormasyon na kumakalat online.
Kung sakali rin umanong makakakita ng fake news sa online o makatanggap ng mga kahina-hinalang mensahe kaugnay sa 2019-nCoV, maaari itong direktang ireport sa PNP Anti-cybercrime group o sa Provincial Legal Office (PLO).