DAVAO CITY – Pinaigting ngayon ng Police Regional Office 11 ang seguridad para sa mga nahalal na public officials dito sa Davao Region kahit na walang naitatalang mga private armed groups o PAGs sa buong rehiyon.
Ayon kay PRO 11 Spokesperson Police Major Eudisan Gultiano, mahigpit na ngayong ipinapanukala ng kapulisan ang direktiba ni PRO 11 Regional Director Brigader General Benjamin Silo Jr. na “one strike policy” kung saan maaring matanggal sa serbisyo ang mga pulis na nakatalaga sa kanilang area of responsibility kung sakaling may maitatalang karahasan laban sa isang pulitiko.
Dagdag pa ni Gulitiano, sinisiguro ngayon ng kapulisan na walang mangyayaring karahasan tulad ng nangyaring kaso sa Negros Oriental.
Inihayag naman ng opisyal na mapalad ang Davao Region dahil wala umanong mga kaso ng intense political rivalry sa buong rehiyon.
Bagkus, isa ito sa mga kinikilalang rason kung bakit napanatili ang insurgent free status ng rehiyon.
Sinisiguro rin ng PRO 11 ang mahigpit nilang pagbabantay sa mga PAGs ayon na din sa ipinapanukala ni DILG Secretary Benhur Abalos sa buong PNP na palalakasin pa nila ang kanilang kampanya kontra PAGs matapos ang naitatalang pagpatay sa ilang mga opisyales sa unang tatlong buwan ng taon.