CENTRAL MINDANAO- Top priority ng Police Regional Office 12 (PRO12) ang kaayusan at kapayapaan sa malawak na bahagi ng Region 12. Ito ang sinabi ni PRO12 Regional Director PBGen. Alexander C. Tagum sa kanyang courtesy call sa tanggapan ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista.
Ang pagbisita sa lungsod ni PBGen. Tagum ay bahagi ng kanyang first command visit sa Kidapawan City kung saan ibinahagi niya ang Enhance Police Integrated Patrol System bilang pamamaraan upang mapanatili ang katahimikan at mamayani ang kapayapaan sa lungsod at sa malawak na bahagi ng North Cotabato.
Kaugnay nito, nais ni PBGen. Tagum na ipabatid sa publiko ang pinakabagong hakbang sa paglaban sa kriminalidad, pagpapalakas ng police-community relations, at sa epektibong pagtugon sa panahon ng kalamidad.
Ito ang Integrated Revitalized Operation of Neighborhood Integrated Watch Against Criminality Lawlessness and Disaster o IRON CLAD na malawakang ipinatutupad ng PRO12 sa bawat police command.
Kaugnay nito, naging sentro rin ng kanyang pagbisita ang ocular inspection at assessment sa performance ng Kidapawan City Police sa larangan ng patrol system, police presence and deployment, level of preparedness at iba pang police activities upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan ng lungsod.
Sinabi rin ng opisyal na bilang isang Kidapaweno ay malapit sa puso niya ang lungsod at ang mga mamamayan nito at hangad niya ang tagumpay ng City Government sa lahat ng mga programa nito lalo na sa usapin ng peace and order.
Sa kanilang pagpupulong, ibinahagi ni PBGen Tagum kay Mayor Evangelista ang kanyang mandato bilang pinakamataas na opisyal ng PRO12 at hiniling sa alkalde na ipagpatuloy ang mainit na suporta sa Kidapawan City Police Station sa pamumuno ni Lt. Col. Lauro Espida.
Bilang tugon, tiniyak naman ni Mayor Evangelista ang suporta sa sa sa bawat programa ng local police at pakikiisa sa layuning mapanatili ang peace and order sa lungsod.
Maliban kay PBGen Tagum, kasama din sa ginanap na courtesy call sa City Mayor’s Office si Cotabato Police Provincial Director PCol. Henry Villar, PRO12 Public Information Officer PLtCol. Joyce Birrey at iba pa.