Grounded muna ang lahat ng Sikorsky aircraft ng Philippine Air Force (PAF) matapos bumagsak kahapon ang isang aircraft sa Lantawan,Basilan na ikinasawi ng apat na air force personnel.
Ayon kay PAF spokesperson Ltc Aristides Galang ito ay para bigyang daan ang imbestigasyon.
Sinabi ni Galang, agad ipinag-utos ni Air Force chief Lt Gen. Allen Paredes na bumuo ng investigating team para imbestigahan ang pagbagsak ng chopper.
Ang PAF ay may tatlong S-76 Sikorsky Air Ambulance na nasa pangangalaga ng 505th Search and Rescue Group.
Matapos bumagsak ang isa, dalawang unit na lamang ang natira.
Sa kabilang dako, bibiyahe na patungong Basilan sa Mindanao ang binuong probe team ng Philippine Air Force (PAF) para imbestigahan ang nangyaring helicopter crash kahapon sa probinsiya.
” Meron na po tayong mga investigating team na dito sa Manila, they will be proceeding to Zamboanga , ini-iskedyul lang po natin ang flight nila at pupunta na rin sila sa area to conduct the investigation, ” pahayag ni Galang sa panayam ng Bombo Radyo.
Sinabi ni Galang pinatitiyak din ni Philippine Air Force Chief Lt Gen. Allen Paredes na mabigyan ng sapat na kaukulang tulong ang mga kaanak ng mga nasawing air force personnel.
Samantala, lubhang nalulungkot ang buong pamunuan ng PAF sa nangyaring aksidente.
“Nalulungkot po yung ating PAF sa nangyaring insidente, lalong lalo na itong mga pilotong ito tawag sa grupong ito ay “Angel”, ang motto ng grupo ay “So that others may live” kaya yung trabaho nila talaga ay mag rescue at mga conduct ng medical evacuation mission, it so happen nakakalungkot na sila ang naging biktima sa nasabing aksidente,” wika ni Galang.