TUGUEGARAO CITY – Nasa ilalim na ng state of calamity ang buong lalawigan ng Cagayan bunsod ng naranasang malawakang pagbaha lalo sa northern municipalities ng probinsiya dulot ng bagyong Quiel at walang tigil na pag-ulan.
Ito ay matapos ideklara ng sangguniang panlalawigan ang hakbang sa kanilang special session nitong Biyernes.
Ang deklarasyon ay bunsod na rin ng kahilingan ni Gov. Manuel Mamba sa Provincial Board na agarang isailalim sa State of Calamity ang Cagayan dahil sa nararanasang malawakang pagbaha dulot ng walang puknat na buhos ng ulan sa mga bayan ng Sta Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Allacapan, Aparri, Gonzaga, Sta. Ana at Baggao.
Sa inisyal na pagtaya, labis ang inaasahang pinsala sa sektor ng pagsasaka, imprastraktura at iba pa kaya nararapat na isailalim sa nasabing estado ang Cagayan.
Kaagad namang umaksyon ang Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Melvin Boy Vargas Jr at nagpatawag ng special session para sa nasabing deklarasyon.
Ayon naman sa PDRRMO, nasa mahigit 5,000 o mahigit 10,000 individuals pamilya ang apektado ng mga pagbaha.