Nakiisa ang Albay sa National Day of Mourning ngayong araw, Nov. 4, bilang pakikipagluksa sa mga kaanak ng mga nasawi sa pananalasa ng STS Kristine.
Ang probinsya ng Albay ay isa sa mga pangunahing naapektuhan sa pananalasa ng bagyo, kasunod ng pagkakalubog sa malaking bahagi nito sa tubig-baha.
Pinangunahan ng provincial government ang pakikipagluksa sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at simpleng seremonya ng pagdadalamhati.
Ayon kay Albay Acting Governor Glenda Bongao, hanggang pitong katao ang nasawi sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Sa kasalukuyan, tinututukan na ng probinsya ng Albay ang komprehensibong rehabilitasyon sa mga lugar na labis na naapektuhan ng bagyo.
Unang idineklara ng Malakanyang ang araw na ito bilang National Day of Mourning, bilang tanda ng pagdadalamhati sa mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Kristine.
Nitong nakalipas na lingo, mahigit 140 katao na ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na natukoy bilang nasawi sa kasagsagan ng bagyo. Ito ay maliban pa sa mga missing o patuloy na pinaghahandap.