-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nadagdagan pa ang mga lugar sa Eastern Visayas na isinailalim sa state of calamity dahil sa pinsalang naidulot ng pagtama ng bayong Ursula

Sa bisa ng isang resolusyon, nagdeklara ng state of calamity sa buong probinsya ng Leyte pati na rin ang munisipyo ng Naval at Caibiran sa Biliran.

Ayon kay Leyte Vice-Governor Carlo Loreto, 13 mga bayan sa Leyte ang matinding napinsala ng bagyo at mahigit sa 50 porsyento ang tinamong danyus sa agrikultura.

Ayon naman kay Atty. Reymond Espina, Municipal Administrator ng Naval, Biliran, maliban lang sa maraming kabahayang nasira dahil sa bagyo, nag iwan din si Ursula ng higit sa 50 percent na halaga ng pinsala sa agricultural sector sa kanilang lugar.

Samantalang, nagpasa din ng resolusyon ang Eastern Samar Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council para irekomendang isailalim sa state of calamity ang buong probinsiya.

Ayon kay OIC Governor Maricar Goteesan ni-request na nila sa Sangguniang Panlalawigan na magconvene ngayong araw para sa isang special session ng mapagdesisyunan na kung ano ang pinakamabuting gawin.

Kung maaalala, una ng nagdeklara ng state of calamity ang siyudad ng Tacloban kahapon para magamit nila ang pondo sa relief and rehabilitation efforts.