-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Senador Ramon Revilla Jr na dapat agarang tugunan ng pamahalaan ang kasalukuyang problema ng mga kawani ng Optical Media Board (OMB) sa kawalan ng mamumuno sa kanilang ahensya. 

Nadiskubre kasi sa Senado na walang lumalagda ngayon sa mga vouchers para sa sweldo, benepisyo at iba pang dokumento ng mga empleyado ng OMB matapos magbitiw bilang OIC-CEO si James Ronald Macasero na naghain ng kandidatura para sa darating na eleksyon.

Dahil dito, nanganganib na walang su-swelduhin ang mga empleyado ng OMB ngayong Disyembre kung kailan nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko.

Bukod dito, may panukala na rin aniya ang mga kasamahang senador ni Revilla na tuluyan nang buwagin ang OMB dahil wala na umanong function ang ahensya dahil wala nang namimirata ng mga pelikula ngayong online streaming na ang uso.

Sinabi ni Revilla na siyang dating chairman ng Videogram Regulatory Board na naging OMB, na nakikisimpatya siya sa mga kawani ng pamahalaan na maaaring mawalan ng trabaho sakaling matuloy ang panukalang pagbuwag sa OMB. 

Ayon sa mambabatas, dapat kumilos ang gobyerno para mailipat sila sa ibang tanggapan.