-- Advertisements --

PROBLEMA SA COMMUNIST TERRORIST GROUP SA NEGROS ORIENTAL, KONTROLADO NA UMANO AYON SA PHILIPPINE ARMY MATAPOS 8 NA LAMANG ANG NATITIRA

Bagama’t kontrolado na ang problema sa Communist Terrorist Group (CTG) sa Negros Oriental, hindi pa rin umano dapat magpakampante ayon sa Philippine Army.

Inihayag ni Philippine Army 11th Infantry Battalion Commanding Officer LT.COL. Michael Aquino, na mayroon pang natitirang 8 CTG sa lalawigan.

Nagmula pa ang 2 sa mga ito sa bayan ng Valencia at Santa Catalina Negros Oriental habang ang 6 ay bisita mula sa Negros Occidental.

Sinabi pa ni Aquino na kaya pa rin umanong magrecruit at manlinlang ng mga ito kaya hiling niya ang kooperasyon ng publiko upang ang 8 natitirang NPA sa ikatlong distrito ng lalawigan ay sumuko na at para mawala na ang component ng teroristang grupo.

Aniya, may mga interbensyon na umano silang ginagawa tulad ng pagpapalakas ng kanilang Integrated Territorial Defense System (ITDS) na isang grupo ng organisasyon at tao sa barangay para depensahan ang teritoryo.

May mga barangay din umano silang nakatakdang dalawin ngunit sa ngayon aniya ay prayoridad nila ang paghahanap sa natitirang 8.

Idinagdag pa ni Aquino na tuloy-tuloy pa rin umano ang kanilang mga combat operations laban sa makakaliwang grupo.