Tiniyak ng National Electrification Administration na malapit ng mapabuti ang supply ng kuryente sa lalawigan ng Negros.
Ginawa ng ahensya ang pahayag kasunod ng ginawa nilang pagtalakay sa nabuong joint venture agreement sa pagitan ng Primelectric Holdings Inc at Central Negros Electric Cooperative, Inc.
Ayon kay National Electrification Administration Administrator Antonio Almeda dahil natapos na ang plebisito na pumabor sa naturang Joint Venture Agreement ay tututukan naman ng kanilang ahensya ang pagpapatupad nito.
Sinabi rin ni Almeda na aabot sa walong buwan ang target ng kanilang ahensya bago ito masimulan.
Kung maaalala, noong Setyembre 12 ay inanunsyo ng ahensya na umabot sa 98,591 member consumers ang pumabor para sa joint venture agreement kontra sa 6,899 na hindi pabor.
Samantala, sa naging pulong ng National Electrification Administration, iniharap ng presidente ng Primelectric na si Roel Castro ang kumpletong detalye ukol sa joint venture agreement gayundin kung paano ito ipatutupad at ang target na modernisasyon sa mga pasilidad.
Umaasa naman ang pamunuan ng Central Negros Electric Cooperative, Inc. sa pangunguna ng kanilang acting general manager na si Atty. Arnel Lapore na masisimulan na ng National Electrification Administration ang pagpapatupad ng nasabing kasunduan.
Aabot naman sa P2.1 billion investment ang ilalaan ng Primelectric upang ma modernized ang power distribution system.
Posible namang makamit ang 100 % target na total electrification sa lalawigan ng Negros pagsapit ng taong 2028.