Siniguro ng Northern Davao Electric Cooperative Inc. (NORDECO) na malulutas ang problema sa krisis sa kuryente sa Island Garden City of samal (IGACOS), sa huling buwan ng Mayo.
Sa isinagawang hearing sa Senado kahapon, sinabi ni Marilou Impuesto Institutional Service Department head ng NORDECO na magiging stable na ang suplay ng kuryente sa buong isla sa pamamagitan ng karagdagang 2-megawatt generator sets na darating ngayong Biyernes, Mayo 26.
Napagusap din na pansamantalang relief lamang ito, dahil inaayos pa ang dalawang generator set ng kumpanya.
Samantala, nakitaan din ng solusyon ang problema sa linya galing sa Pantukan Grid na patungo sa isla, na nakatakdang matapos sa Hulyo 30.
Ayon sa National Electrification Administration, nasa 6.1 megawatts lamang ang available na kuryente sa isla na malayo sa kinakailangang 9 megawatts na demand matapos sirain ang tatlong generator set, kung saan ang dalawa nito ay pag-aari ng NORDECO.
Nagbabala si Senador Raffy Tulfo, ang chairman ng Senate energy committee, na ang mga residente ng Samal Island ang unang makararanas ng mga power interruption habang nagpapatuloy ang pagsasaayos ng NORDECO generator sets.
Gayunpaman, nanindigan din ang kumpanya na haharapin nila ang problema at humingi din ito nga paumanhin sa mga residente ng Samal na nakaranas ng state of calamity.